Ama grinipuhan ng anak, patay

CEBU, Philippines – Napatay ang 62-year-old na ama makaraang pagsasaksakin ng kanyang anak na sinasabing may sakit sa pag-iisip noong Biyernes ng umaga sa Sitio Adelfa, Barangay Poblacion Pardo sa Cebu City, Cebu.

Naisugod pa sa Cebu City Medical Center subalit idineklarang patay ang biktimang si Raymundo Abellanosa Sr. habang nasakote naman ang suspek na si Raymundo Abellanosa Jr. na kapwa nakatira sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na inihahanda ng biktima ang mga pagkain para sa pag-aaring karinderya nang lapitan at pagsasaksakin ng kanyang anak na walang anumang dahilan.

Ayon kay SPO4 Rey Cuyos, ang suspek ay sinasabing dumaranas ng nervous breakdown at hindi nakatulog bago isagawa ang pananaksak.

Nabatid na simula pa noong 2010 ay naging problema ng mga magulang ang suspek dahil sa sinasabing sakit sa pag-iisip.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek habang inihahanda na ang kaukulang kaso para isampa sa korte. – Freeman News Service

Show comments