MANILA, Philippines – Pito katao ang malubhang nasugatan makaraang hagisan ng granada ng kanilang kalabang angkan habang nagkaroon din ng palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig sa madugong clan war o rido sa pamilihang bayan ng Parang, Maguindanao nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Jamila Tomas, Abdullah Tomas, Saima Raoro, Salahodin Tomas, Camlon Raoro, Sirikit Magayan at isang tinukoy lamang sa pangalang Locman; pawang nilalapatan na ng lunas sa Notre Dame and Regional Hospital.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Captain Jo-ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division, naganap ang pagsabog sa pamilihang bayan ng Poblacion 2, Parang ng lalawigan dakong alas- 5:45 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang hinagisan ng granada ang mga biktima sa nasabing palengke na ikinasugat ng mga ito habang mabilis namang tumakas ang mga suspek na nakapalitan pa ng putok ng grupo ng mga inatakeng biktima.
Narekober naman ng mga nagrespondeng awtoridad ang mga basyo ng cal 9MM at ang safety lever ng sumabog na granada. Natukoy naman ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek na si Sauto Giti ng Matanog, Maguindanao at lumilitaw na rido ang motibo ng krimen.