MANILA, Philippines – Pitong trak at isang generator set ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army habang dinisarmahan naman ang limang guwardiya makaraang salakayin ang Dizon Farm sa bayan ng Nabunturan, Compostella Valley kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Compostella Valley PNP na isinumite sa Camp Crame, dakong alas -8:30 ng gabi nang salakayin ng mga rebeldeng lulan ng dalawang SUV van ang compound ng Dizon Farm sa Barangay Antiquera sa nabanggit na bayan.
Agad dinisarmahan ng mga rebelde ang limang security guard na nakaposte sa nabanggit na farm kung saan wala namang nagawa ang iba pang kawani at trabahador sa matinding takot.
Binuhusan ng gasolina ang pitong trak at isang generator set saka sinilaban hanggang sa mawasak.
Nabatid na inakusahan ng mga rebelde ang may-ari ng farm ng pang-aagaw ng lupa sa mga maralita bukod dito ay hindi rin tinugon at nagmatigas ang may-ari na maibigay ang revolutionary tax para sa mga rebeldeng komunista.