MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek na hinihinalang sangkot sa pananambang sa convoy ni Iligan City Lone District Rep. Vicente “Varf” Belmonte Jr., sa Laguindingan, Misamis Oriental nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Supt. Roberto Mendoza, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 10 ang nasakoteng suspek na si Dominador Tumala, 52, umano’y dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ng Sergio Osmeña, Zamboanga del Norte.
Ang suspek na isang dayo lamang sa lugar ay nasakote ng pulisya matapos itong bumili ng makakain sa isang tindahan sa bayan ng Laguindingan.
Nakapaa ang suspek at umano’y kahinahinala ang kilos at ng matanong ay sinabing dumalaw lamang ito sa burol ng kaniyang ina pero hindi naman nito maituro kung saang lugar ito sa nasabing bayan.
Sa puntong ito ay dito na nagkunwaring baliw ang suspek upang makaiwas sa pag-aresto ng pulisya na nagsasagawa ng law enforcement operations sa lugar at checkpoint bunga ng insidente.
Noong Huwebes dakong ala-1:45 ng hapon ay tinambangan ng mga armadong kalalakihan na lulan ng van ang convoy ni Belmonte na kagagaling lamang sa Laguindingan airport at patungo na sa Iligan City. Sa nasabing insidente ay nasugatan si Belmonte at dalawa pa nitong tauhan habang tatlo pa ang nasawi kabilang ang dalawa nitong security escort.
Magugunita na una nang inihayag ni Belmonte na pulitika ang hinihinala niyang motibo ng insidente.