TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 80-anyos na lola matapos itong hatawin sa ulo gamit ang dos por dos ng kanyang apo na sinasabing lango sa bawal na droga sa Barangay Centro, bayan ng Buguey, Cagayan kamakalawa. Sa ulat ni PO3 Arnel Tammu, sinugatan pa ng 30-anyos na suspek na si Montano Antiporda III ang sariling palad matapos mapatay ang kanyang lola na si Aurora Ponce Arniego. Lumalabas sa imbestigasyon na pinasok ng suspek ang kuwarto ng lola na natutulog saka pinagpapalo ang ulo hanggang mamatay bago niransack ang mga aparador at mga kagamitan ng matanda. Narekober sa kusina ng bahay ng suspek ang dos por dos na may bahid ng dugo habang arestado at nakakulong ang suspek.