Anluwagi inutas sa sariling bahay

BULACAN, Philippines – Napaslang ang 37-anyos na karpintero (anluwagi) matapos na pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa pintuan ng sariling bahay sa Barangay Look 1st, Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw.  Anim na tama ng bala ang tumapos sa buhay ni Joseph Villar ng Mother Rita Subdivision sa nasabing barangay. Sa imbestigasyon ni PO3 Fauji Mahalim, nagising ang biktima sa katok ng di-kilalang lalaki mula sa puting van. Kaagad na binuksan ng biktima ang pintuan ng bahay kung saan umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Kaagad na tumakas ng gunman sakay ng van na sinasabing may kasabwat na dalawang lalaki at isang babae. Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng baril habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments