CAMARINES NORTE, Philippines – Umaabot na sa 15,576-katao ang nasa evacuation centers sa 12 bayan ng Camarines Norte sa pananalasa ng Super Typhoon Ruby noong Sabado ng gabi.
Kabilang sa mga bayang inilikas ang libu-libong residente sa may 118 evacuation centers ay ang mga bayan ang Vinzons, Labo, Paracale, San Vicente, Santa Elena, Jose Panganiban, Mercedes, Talisay, San Lorenzo Ruiz, Capalonga, Basud at sa bayan ng Daet. Patuloy naman namamahagi ng relief goods ang lokal na pamahalaan katuwang ang kapulisan, tropa ng Phil. Army at iba pang sangay ng pamahalaang lokal sa mga evacuation centers. Walang naitalang namatay sa pananalasa ng Bagyong Ruby habang patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang mga awtoridad para panatilihin ang kaayusan ng evacuation centers sa nasabing lalawigan.