CAMARINES NORTE, Philippines – Nakikipaglaban kay kamatayan ang 44-anyos na magsasaka makaraang pagtulungan pagtatagain ng dalawa nitong kapatid kaugnay sa nawawalang kalabaw sa Barangay Fundado, bayan ng Siruma, Camarines Sur kamakalawa ng umaga. Kasalukuyang ginagamot sa Tinambac Infirmary Hospital ang biktimang si Billy Cervantes habang pinaghahanap ang mga suspek na sina Arnel Cervantes at Simplicio Cervantes Jr. na pawang nakatira sa nabanggit na barangay. Base sa police report, kinompronta ng mga suspek ang kanilang kuya kaugnay sa nawawala nilang kalabaw na kanilang ginagamit sa sakahan. Itinanggi naman ng biktima ang akusasyong ibinenta sa ibang magsasaka. Gayon pa man, nauwi sa pananaga sa biktima ang mainit na pagtatalo ng magkakapatid.