MANILA, Philippines – Abut-abot na parangalan ang ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan ng M'lang sa North Cotabato matapos malaman ang kagitingan ng isang gasoline boy na napigilan ang holdapan sa kanilang istasyon.
Sinabi ng alkaldeng si Joselita Piñol, chairperson ng municipal peace and order council, na hinangaan nila ang katapangan ng gasoline boy na kinilala lamang bilang si “Isko” para sa kanyang kaligtasan.
Ayon sa mga awtoridad, napansin ni Isko ang kaduda-dudang paggalaw ng tatlong kalalakihan sa kanyang pinagtatrabahuhang gasolinahan.
Kaagad tinimbrihan ni Isko ang kanyang mga kasamahan sa posibleng panghoholdap ng mga suspek na nakilalang sina Anton Benitez, Adrian Lalin at Jared Fulgencio.
Inabisuhan din niya ang kahera na itago ang mga pera at mag-iwan lamang sa kaha ng P5,000.
Natuloy nga ang panghoholdap kung saan tinutukan nina Benitez at Lalin ng baril ang kahera upang makuha ang laman ng kaha.
Patakas na sana ang mga suspek nang biglang lumitaw sa likuran si Isko at saka inagaw ang baril mula kay Benitez.
Pinagbabaril ni Isko ang tatlong suspek na kaagad ikinasawi ni Benitez, habang sa ospital namatay si Lopez at nasakote naman sa isang checkpoint si Fulgencio.
“This lowly gasoline station worker deserves a monetary consolation and a special citation from the Mlang local government,” pahayag ng alkalde.
Samantala, hinangaan din ni North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ang katapangan ni Isko kaya naman bibigyan din nila siya ng hiwalay pang pagkilala.