CAVITE, Philippines - Napatay ang 50-anyos na negosyante matapos itong pagbabarilin ng kanyang kainumang security guard kamakalawa ng gabi sa Barangay Langkaan 2, Dasmariñas City, Cavite. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Mario Asistido ng Blk 1 Lot 33 Greenbreeze 2 habang pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Gemar Hesita, 30, may asawa, ng nasabing barangay. Ayon kay P03 George Fajardo, nagkapikunan at nagkasigawan ang dalawa matapos malango sa alak kaya naganap ang pamamaslang. Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala ang cal. 45 pistol.