BATANGAS, Philippines – Aabot sa labing-anim na katao ang nasugatan matapos araruhin ng car-carrier truck ang apat na sasakyan sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (Star) Tollway sa bayan ng San Jose, Batangas kahapon ng umaga.
Ayon kay Carlito America, Startollway security and traffic supervisor, binabagtas ng car-carrier truck (TYO-355) ang southbound lane ng tollway na minamaneho ni Alberto Orlin nang mawalan ito ng control sa manibela pagsapit sa KM 91 ng Barangay Lapu-lapu 2 bandang alas-5 ng umaga.
Kaagad na sumalpok ang truck ni Orlin sa kasalubong na passenger-type cargo jeep (DSR-276) na nasa kabilang linya kaya nagresulta para magbanggaan ang tatlong bus na sumusunod sa cargo jeep.
Sugatan ang mga pasahero ng tatlong bus na kinabibilangan ng dalawang Dimple Star Bus na may mga plakang TYM-900 at TYG-362 at ang Ceres Bus na may plakang UVB-120.
Kaagad naman naitakbo ng mga tauhan ng Red Cross, Startollway at PNP ang mga sugatan sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City, Batangas.
Kahit sugatan si Orlin ay nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to properties.