NPA camp, nakubkob

MANILA, Philippines - Matagumpay na nakubkob ng tropa ng militar ang malaking kampo ng mga rebeldeng New People’s Army sa isinagawang operasyon sa Barangay Ig-mayaan, bayan ng Don Salvador Bene­dicto, Negros Occidental kamakalawa.

Ayon kay Lt. Col. Rommel Cordova, commander ng Army’s 62nd Infantry Battalion, dakong alas-3:15 ng hapon nang matisod ng kaniyang mga tauhan ang kampo na maaaring pagkasyahan ng 60 rebelde. Gayon pa man, walang nadatnang NPA ang tropa ng militar na pinaniniwalaang nakalayo na sa nasabing kampo bago pa man dumating ang mga sundalo.

Natagpuan din sa nasabing kampo ang 20 bunkers, apat na palikuran, apat na kusina at isang mess hall.

“The discovery of these NPA camps is a clear manifestation of the NPA’s continuing defeat in Negros. They continue to lose their grounds and their mass base of support,”  ayon naman kay Col. John Aying, commander ng Army’s 303rd Infantry Brigade.

Sa tala ng Army’s 3rd Infantry Division ng Phil. Army, umaabot na sa 39 kampo ng NPA rebs ang napasakamay ng militar simula Enero 2014 hanggang sa buwang kasalukuyan.

Kabilang ang 24 NPA camps sa Negros Island at 15 naman sa Panay na kapwa sa Western Visayas.

 

Show comments