Cashier ng gasolinahan utas sa 3 holdaper
MANILA, Philippines – Napatay ang 21-anyos na kahero habang sugatan naman ang isang cable lineman matapos na holdapin ng tatlong kalalakihan kabilang na ang guwardiya sa gasolinahan sa bayan ng Diplahan, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si Alejandro Dagook, cashier ng Sterling Gasoline Station na pag-aari ng isang tinukoy na Engineer Alquitas.
Isinugod naman sa pagamutan ang sugatang cable lineman na si Jubani Gallove na hinambalos ng tubo ng mga kawatan matapos itong masalubong habang papatakas ang mga holdaper.
Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang looban ng mga armadong suspek sa pangunguna ng naghudas na security guard na si Jurie Engcanan Alingin ang binabantayang gasolinahan sa Brgy. Kauswagan.
Tinutukan ng patalim ang kahero na nanlaban kaya hinambalos ng tubo sa ulo kung saan kaagad na namatay.
Habang papatakas ang mga holdaper ay nasalubong ang cable line man na si Gallove kaya pinaghahampas din ito ng tubo sa ulo kung saan kahit sugatan ay nagawang makatakbo at humingi ng tulong sa mga residente.
Narekober sa crime scene ang dalawang bakal na tubo at ang cal. 38 pistol na gamit ng naghudas na security guard.
Sa follow-up operation ay nasakote ng pulisya si Alingin na sinasabing miyembro ng Philpest Security Agency at security guard ng nasabing gasolinahan.
- Latest