Trader dedo sa pamamaril

TIAONG, QUEZON, Philippines – Namatay ang isang negosyante matapos na pagbabarilin ng hindi nakikilalang suspek na nagpanggap na kustomer sa barangay Talisay ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre 45 sa tiyan na tumagos sa kanyang tadyang ay kinilalang si Danilo Hermina, 40, may-asawa at residente ng Brgy. Bukal,Padre Garcia Batangas.

Ayon sa pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi habang nagsasara ng tindahan ang biktima ng mga palakihing puno at halaman nang dumating ang isang lalaki na nakasuot ng bull cap, kulay pulang t-shirt at walking short at nagtanong kung magkano ang ibinebentang mga halaman.

Sa pag-aakalang hindi bibili ang suspek, tumalikod ang biktima upang tulungan ang asawa sa paglalaba subalit biglang bumunot ng baril ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima at saka tumakas sakay ng isang motorsiklo patungo sa San Pablo City. 

Show comments