MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng Philippine Marines at isang civilian employee ang nasawi habang anim pa ang nasugatan nang mahulog ang military truck na kanilang sinasakyan sa may 40-50 talampakang lalim na bangin sa Ternate, Cavite kahapon ng umaga.
Ayon kay Marine Col. Edgard Arevalo, Spokesman ng Philippine Navy, naganap ang insidente sa zigzag road ng Kantuba Hill habang pabalik na ang mga biktima sa Marine Base Gregorio Lim sa nasabing bayan bandang alas-9:30 ng umaga.
Dalawa sa mga enlisted Marine at isang sibilyang empleyado ang idineklarang dead-on-the spot habang dead-on-arrival ang isang opisyal sa San Lorenzo Hospital sa Naic.
Sa ulat naman ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga nasawi ay kinilalang sina 1st Lt. Noriel Bulalacao, Sgt. Richard Lotivio, Cpl. Fidel Mayo Jr. at ang sibilyang si Jed Del Rosario.
Ang mga nasugatan ay sina SSgt. Cliffordo Sinfuego, nagmamaneho ng behikulo; SSgt. Winston Aguillon, Cpl. Florante Marayag, Cpl. Renante Camansi, Cpl. Antonio, at Cpl. Joylene Marasigan
Nabatid na 9 na personnel ng 3rd Philippine Marine Corps at isang empleyadong sibilyan ang lulan ng M35 (SKU-134) truck at pabalik na sana sa kampo matapos na mamalengke nang mangyari ang trahedya.
Sa imbestigasyon, nawalan ng preno ang truck at hindi na nakontrol ng driver ang manibela hanggang sa tuluy-tuloy na mahulog sa bangin ang military truck.
Nakiramay na si Navy Chief Vice Admiral Jesus Millan at Marine Corps Commandant Maj. Gen. Romeo Tanalgo sa mga pamilya ng mga nasawi.