MANILA, Philippines – Umaabot sa 200 pasyente ang inilikas matapos na masunog ang basement ng Cebu Doctor’s Hospital sa kahabaan ng Osmeña Blvd. sa Cebu City kamakalawa ng gabi. Binalot ng maitim na usok ang basement na kinalalagyan ng mga oxygen tank at LPG kung saan umabot ang pinsala hanggang ikalawang palapag ng ospital. Sa tulong ng rescue team ay inilikas ang lahat ng pasyente na naka-confine patungo sa ibang pagamutan. Pansamantala ring isinara ang pagamutan at ini-off ang elektrisidad bilang precautionary measures habang inaapula ang apoy. Idineklarang kontrolado ang sunog bandang alas-8:39 ng gabi na nagsimula bandang alas-8:11. Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa linen department ng nasabing hospital.