LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Dalawang minero ang bumulagta matapos na makuryente habang abala sa minahan sa Sitio Gibtiong Araw, Barangay Panique sa bayan ng Aroroy, Masbate kahapon ng madaling araw. Hindi na naisugod sa pagamutan ang mga biktimang sina Ruben Baila Ortega at Versoza Ornofia na mga nakatira sa Barangay Tinago sa nasabing bayan. Base ulat ng pulisya, abala ang mga biktima sa pagmimina sa loob ng minahan nang mapahawak sa talop na linya ng kuryente bandang alas-4 ng madaling araw. Sinubukan naman ng mga kasamahang minero na mailigtas ang dalawa nilang kabaro subalit patay na ang mga ito bago pa maisugod sa pagamutan habang patuloy ang imbestigasyon.