Bus hostage-taker arestado

Arestado ang suspek na si Lauro Sanchez matapos mang-hostage ng dalawang pasahero ng bus sa NLEx toll gate sa Barangay Sta. Rita, bayan ng Guiguinto, Bulacan kahapon ng umaga. Kuha ni Boy Cruz  

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ope­ratiba ng pulisya ang 35-anyos na mister na nang-hostage sa pampasaherong bus na may lulang 13-katao na tumagal ng halos 3-oras sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEx) Toll Plaza sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Bulacan PNP Office Director P/Senior Supt. Ferdinand Divina  kinilala ang suspek na si Lauro Sanchez, 35, tindero ng sapatos at nakatira sa Barangay Bulangon, Agoncillo, Batangas.

Inaalam pa ang tunay na pagkatao ng suspek dahil iba-ibang pangalan ang ibinibigay nito sa pulisya.

Bandang alas-6 ng umaga nang bigla na lamang  hinostage ng suspek ang dalawang pasahero sina James Uy at Ressie Ramirez sa loob ng Ever­lasting Bus Liner (UVL-797) na minamaneho ni Charlie Adriano sa Sta. Rita toll exit ng nasabing lugar.

Ang nasabing bus  na biyaheng Cubao, Quezon City ay nagmaula sa Caua­yan City, Isabela nang magdeklara ang suspek na may hawak na balisong na mang-hostage sa mga sakay ng bus dahil na-frame up umano siya ng mga pulis sa krimen na hindi naman niya ginawa.

Agad namang rumes­ponde ang mga operatiba ng pulisya kabilang ang Special Weapons and Tactics team na pinalibutan ang nasabing bus.

Gayon pa man, kaagad na bumuo ng Crisis Ma­nagement Committee ang lokal na opisyal ng pamahalaan subalit hindi sumuko ang suspek matapos ang negosasyon sa pamumuno ni Divina.

Napilitan ang mga awtoridad na maglunsad ng assault operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Sanchez  bandang alas-8:40 ng umaga.

Dalawang pulis din ang nasugatan nang makipag-agawan sa hostage-taker na may hawak na balisong.

 

Show comments