OLONGAPO CITY, Philippines – Pinabulagta ang 41-anyos na jeepney driver makaraang tambangan ng mga armadong lalaki malapit sa sementeryo sa Olongapo City, Zambales kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Sandy “Yoyoy” Labo ng #2698 Rizal Avenue sa Barangay East Bajac-Bajac. Sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Ramon Fernandez, hepe ng PNP Station 5, naganap ang pananambang bandang alas-7 ng gabi sa basinidad ng Del Rosario St. sa Olongapo Memorial Park sa Barangay Tabacuhan. Bago naganap ang krimen, sinundo ng isang alyas Lati ang biktima saka sumakay sa traysikel patungo sa nasabing barangay. Pagbaba ng biktima sa traysikel ay kaagad na pinagbabaril ng mga armadong lalaki. Pinaniniwalaang onsehan sa bentahan ng bawal na droga ang isa sa motibo sa pagpatay sa biktima.