Missing NAVSOG officer natagpuang patay

MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga residente ng Cavite  makaraang iluwa ng lambat pangisda ang bangkay ng isang nawawalang elite Naval Special Operations Group (NAVSOG) sa karagatan ng Sangley Point, Cavite City kamakalawa.

Sa ulat ng CALABARZON Police, dakong alas-3:20 ng hapon kamakalawa ng makuha  sa lambat ang bangkay ng biktimang si Navy Ensign Jan Clet Labalan, 23-anyos, tubong Zamboanga del Sur.

Base sa inisyal na imbestigasyon ang biktima  ay sumalang sa ‘under water demolition seal course’ noong Oktubre 1 may isang nawtikal na milya ang layo sa hilagang bahagi ng ka­ragatan ng Sangley Point ng mawala ito.

Sa kabila ng ilang araw na paghahanap ng ka­niyang mga kasamahang mga NAVSOG officers ay nabigo itong makita hanggang sa matagpuan na ang bangkay nito kamakalawa.

Ang bangkay ng biktima ay sumabit sa lambat na gamit ng mga mangi­ngisda sa lugar na ina­kalang naka­huli sila ng maraming isda pero bangkay pala ng biktima ang nakuha mula rito.

Nang mabatid ang insidente ay agad namang kinuha ng mga tauhan ng NAVSOG ang bangkay ng biktima at dinala sa Alvarez Funeral Homes sa Cavite City.  Isasailalim sa awtopsya ang labi ng biktima. Joy Cantos

Show comments