Lady trader itinumba ng tandem

BULACAN, Philippines - Nasawi ang isang negosyanteng ina na aktibo sa pagtulong sa kanyang komunidad matapos na barilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo  sa Brgy. Patubig, Marilao, ng lalawigan.

Apat na tama ng bala ang tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hindi na umabot pang buhay sa  ospital ang biktimang si Angelita Pascual ,46, residente ng Estrella Homes, Brgy. Patubig ng naturang bayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi habang naglalakad papauwi ang biktima sa kanilang bahay sa Estrella Homes mula sa simbahan ng Devine Mercy Church nang bigla na lamang sumulpot  sa kanyang likuran ang dalawang hindi nakilalang dalawang lalaki lulan ng itim na motorsiklo na may suot na crash helmet.

Agad umanong tinabihan ng magkaangkas na suspek ang biktima. Mabilis na bumunot ang driver ng motorsiklo ng dalang .45 kalibreng baril at pinaputukan ng apat na beses ang biktima na kaagad na ikinabulagta nito.

Matapos na matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang dalawa.

Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at isa sa sinisilip ay ang anggulong may kinalaman sa negosyong pautang ng biktima.

 

Show comments