2 big-time pusher tiklo sa Maguindanao
MANILA, Philippines – Aabot sa P1 milyong halaga ng ilegal na droga ang nabawi mula sa dalawang hinihinalang kilabot na tulak ng droga sa Maguindanao.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina Sitti Mamadra Minse, 40; at Mohammad Balamula Akmad, 39, kapwa residente ng Sitio Tenorio, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Nasa 200 gramo ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng PDEA kina Minse at Akmad noong Setyembre 22.
Ayon kay Cacdac, aarestuhin sana ng mga tauhan ng PDEA ang isang Datu Pons Usman matapos maglabas si Judge Bansawan Ibrahim, Al Haj, Regional Trial Court Branch 13 ng arrest warrant.
Nakatakas si Usman, ngunit naabutan naman ng mga awtoridad sina Minse at Akmad.
Bukod sa ilegal na droga ay nabawi rin mula sa mga suspek ang isang digital weighing scale, pitong pakete, at isang mobile phone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 11 (Sale of Dangerous Drugs), at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakakulong ngayon sina Minse at Akmad sa PDEA RO-ARMM Jail Facility.
- Latest