BULACAN, Philippines – Napaslang ang 35-anyos na misis na sinasabing ‘di-nagpautang matapos itong pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na lalaki kamakalawa ng gabi sa Barangay Gumaoc West, San Jose Del Monte City, Bulacan. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Rowena Piloton habang nasakote naman ang suspek na si Gerardo Olino, 39, ng Block 12 Extention sa nasabing barangay. Base sa police report, dakong alas-11:30 ng gabi nang pasukin at pagsasaksakin ng suspek ang biktimang tulog sa bahay. Sa imbestigasyon ni PO1 Danilo Atabay, nabatid na umuutang ang suspek sa biktima pero hindi ito napagbigyan kaya nagtanim ng galit hanggang sa maganap ang pamamaslang.