TUGUEGARAO CITY, Philippines - Sampung katao ang nasugatan kabilang na ang dalawang matataas na opisyal ng Ilocos norte matapos silang araruhin ng kotseng nasiraan ng preno habang inihahatid sa huling hantungan ang yumaong dating bise gobernador at Congressman Mariano Nalupta Jr. sa harapan ng simbahan ng Batac City, Ilocos Norte kamakalawa.
Agad na dinakip ng pulisya si Eric Marsan, driver ng Mitsubishi Montero SUV na sinasabing nawalan ng preno at pag aari ni Atty. Sheila Myra Nalupta-Barba, anak ng namatay.
Kabilang sa mga nagtamo ng sugat at bugbog sa katawan ay sina Sangguniang Panlalawigan member Ria Farinas at Sangguniang Panglungsod member Jack Nalupta.
Bukod sa mga taong inararo ay bumangga rin ang SUV sa mga nakaparadang sasakyan sa paligid kabilang na ang sasakyan ni Batac City asst. prosecutor Atty. Valentin Pascua.
Nagpapagaling na ngayon sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City ang mga biktima .