Trader todas sa tandem

Kinunan ng litrato ng isa sa tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang babaeng trader na niratrat at napatay ng riding-in-tandem gunmen sa panibagong karahasang naganap sa Baragay Sto. Niño, bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon. (Boy Cruz)  

BULACAN, Philippines – Pinabulagta ang  37-anyos na babaeng may-ari ng money changer shop makaraang ratratin ng riding-in-tandem gunmen sa bahagi ng Barangay Sto. Niño, bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon ng hapon. Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Carmina Pagatpatan ng Barangay Tilapayong sa bayan ng Baliwag, Bulacan. Sa imbestigasyon ni PO1 George Ancheta, binabagtas ng biktimang lulan ng SUV (ML9360) patungo sa Malolos City nang tabihan ng motorsiklong may lulan mga armadong lalaki. Gayon pa man, nagpatuloy sa pagmamaneho ang biktima at binalewala ang pagpapahinto ng tandem kaya pinutukan siya. Bumangga sa isang tindahan ang SUV ng biktima kung saan tinangay ng mga armdong lalaki ang dalawang bag na naglalaman ng malaking halaga. Nabatid na nag-withdraw ng malaking halaga sa banko bago magtutungo sa pag-aaaring money changer sa nasabing lungsod.

Show comments