Police chief itinumba ng konsehal

MANILA, Philippines - Napatay ang hepe ng pulisya makaraang pagbabarilin ng 56-anyos na konsehal  ng barangay na dati ring pulis sa gymna­sium ng Barangay Poblacion sa bayan ng Alcoy, Cebu kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa sa Julio Cardinal Rosales Memorial Hospital subalit idineklarang patay dahil sa limang bala ng baril ang tumama sa biktimang si P/Inspector Crisanto Abella. 

Arestado naman ang suspek na si Ciriaco de los Santos, konsehal sa Barangay Poblacion at dati ring pulis na nag-absent without official leave (AWOL) noong 1990.

Sa ulat na nakarating kay Cebu Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Noel Gillamac, naganap ang pamamaril dakong alas-11:30 ng gabi habang nagpapatrolya si Abella kasama ang limang tauhan sa gymnasium kaugnay ng boxing match para sa seleb­rasyon ng piyesta bago magtapos ang buwan.

Nabatid na nakikipag-inuman si delos Santos sa ilang kaibigan sa loob ng gymnasium nang tawagin nito si Abella para patagayin ng alak.

Bilang respeto ay pinagbigyan naman ng hepe si delos Santos at uminom ito ng isang tagay ng alak.

Gayon pa man, bigla na lamang itong kinompronta ng suspek kaugnay sa ginagawa ng biktima laban sa mga hoodlum sa nasabing barangay.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek kung saan nang mag-walkout ang una sa loob ng gymnasium upang umiwas na sa gulo ay bigla na la­mang itong pinagbabaril ng suspek.

Kasalukuyang humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal.

 

Show comments