Drug pusher nilikida

BULACAN, Philippines – Pinahirapan muna bago binaunan ng pako sa ulo ang 24-anyos na cellphone technician na sinasabing notoryus na drug pusher saka inabandona sa palayan ng mga di-kilalang lalaki sa Barangay Bañga 2nd, bayan ng Plaridel, Bulacan kamakalawa ng umaga. Tadtad ng pasa ang buong katawan, may saksak sa dibdib at binaunan pa ng mahabang pako sa kaliwang sintido ang biktimang si John Peter Francisco ng Sitio Bacood, Barangay Tiaong sa bayan ng Guiguinto, Bulacan. Ayon kay PO1 George Ancheta, natagpuan ang duguang katawan ng biktima sa palayang sakop ng Sitio Cabiawan sa nasabing barangay. Narekober ang isang karatula na nakakabit sa katawan ng biktima na may nakasulat na “pusher at magnanakaw, ‘wag tularan.” Nakalagay din sa karatula ang mga pangalan ng kasamahan na biktima na nakatakda ring patayin.

Show comments