LUCENA CITY, Quezon , Philippines — Pinarangalan at binigyang pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Lucena City ang isang tricycle driver at isang kawani ng shop sa mall dahil sa pagiging matapat matapos isauli ang perang kanilang napulot. Personal na iniabot kahapon ni Lucena City Mayor Roderick Alcala ang plake kina Joel Zoleta, tricycle driver ng Barangay Dalahican; at Robinson Felipe, kawani ng Shawarma sa SM Mall. Ayon kay Zoleta, napulot niya sa loob ng minamanehong trike ang isang bag na sinasabing naiwan ng pasahero. Itinurn-over naman ni Zoleta sa himpilan ng pulisya ang bag na naglalaman ng P12,000 cash, ATM, at IDs na pagmamay-ari ni Grace Cusi. Ang pera ay gagamitin sa pambayad sa ospital ng 81-anyos na ama ni Cusi kaya gayun na lamang ang katuwaan nang mapabalik ang bag. Samantala, naglalakad naman sa parking area ng mall si Felipe nang mapulot ang bag ni Henlin Castillo na naglalaman ng P65,000 cash, laptop at cellphone. Bukod sa plake, pinagkalooban din ng tig-P3,000 cash ang dalawa.