MANILA, Philippines - Umaabot na sa 6,000 ektaryang kagubatan at damuhan ang nasusunog sa nagaganap na bush fire sa bayan ng Rapu-Rapu, Albay, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon.
Sa inisyal na ulat ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama, nagsimula ang bush fire dakong alas-8 ng umaga noong Linggo (Agosto 3) makaraang masunog ang isang kaingin kaya mabilis na kumalat ang apoy sa kagubatan ng Rapu-Rapu.
Kabilang sa mga unang naapektuhan ng bush fire ay ang Sitio Acal, Mananao, Guadalupe at Buenavista gayundin ang mga Barangay Poblacion at Morocborocan na may 5,000 residente.
Sa ikalawang bush fire ay nilamon ang kagubatan ng Sitio Minto at San Ramon Batan Island kung saan nakaapekto sa may 2,065 pamilya, sistema ng patubig, mga tanim sa bundok at maging sa mga puno ng niyog.
Nabatid na patuloy ang pagkalat ng bush fire na nagbabanta rin sa mga kabahayan sa bayan ng Rapu-Rapu.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Lt Col. Enrico Canaya, spokesman ng Philippine Air Force na nagdispatsa na ng dalawang chopper ang kanilang puwersa upang tumulong para maapula ang bush fire.