Lotto operator inutas ng talunang bettor

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang dahil sa pagkatalo, binaril at napaslang ang 43-anyos na Tsinoy na operator ng lotto ng itinuturong natalong mananaya sa Barangay Miputak, Dipolog City kamakalawa ng gabi.

 Kinilala ang biktima na si Alma Tan na nagtamo ng tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo na naglagos sa kaniyang noo at idineklarang patay sa Zamboanga del Norte Medical Center habang pinaghahanap naman ang suspek na nasa 5’3 hanggang 5’4 ang taas, nasa pagitan ng 40-45-anyos, naka-itim na bull cap at may balabal na pula sa leeg.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, tumaya ang suspek sa lotto suertes na pag-aari ng biktima.

Gayon pa man nang lumabas ang resulta ay natalo ang suspek kaya nagalit ito  na agad binaril sa ulo ang biktima na nakaupo sa tumba-tumba habang pinatutulog ang sanggol nitong anak na anim na buwang taong gulang.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments