Dalagang dinukot, ginawang sex slave, nasagip

MANILA, Philippines - Nagwakas na ang 2 linggong kalbaryo ng isang 18 -anyos na dalagang ginawang sex slave ng rapist na lalaking dumukot dito matapos itong masagip ng mga elemento ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Zamboanga City kamakalawa.

 Ayon kay  Inspector Dahlan Samuddin, spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 patuloy namang pinaghaha­nap ang suspek na si Wilson Garcia na paulit-ulit na umabuso sa nasagip na biktimang itinago sa pangalang Marissa.

Sa imbestigasyon, si Marissa ay dinukot ng suspek noong nakalipas na Hulyo 7 dakong alas-7 ng umaga sa Oroqueta City, Misamis Occidental.

Ang dalaga ay dinala ng suspek sa isang bahay sa Calle Cawayan Dumagsa, Zone 8 Ayala, Zambonga City kung saan paulit-ulit umano itong ginahasa sa loob ng 2 linggo.

Samantala ng makali­ngat naman umano ang suspek ay nagawang makapag-text ng dalaga sa kaniyang mga magulang at ipinabatid ang kaniyang masaklap na sinapit.

Agad namang dumulog sa himpilan ng pulisya ang mga magulang ng dalaga na humi­ngi ng tulong upang mailigtas ang kanilang anak.

Bandang alas-3:42 ng hapon ng magsagawa ng rescue operation ang tauhan ng Zamboanga City Police Station 9 at matagumpay na nasagip ang biktima sa nasabing lugar pero hindi inabutan ang suspek na mabilis na nakatakas.

Patuloy namang pinagha­hanap ang suspek na nahaharap sa kidnapping with rape.

Show comments