Mag- ama tiklo sa pagpatay sa sekyu

CAVITE , Philippines   –  Rehas na bakal ang binagsakan ng mag-amang pangunahing suspek sa pagpatay sa security guard ng PLDT makaraang arestuhin ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na operasyon sa Sitio Bolbok, Barangay Castaños Lejos sa bayan ng Gen Aguinaldo, Cavite, kahapon ng madaling araw. Pormal na kinasuhan ni P/Chief Insp. Juan Oruga, hepe ng Indang PNP ang mga suspek na sina Manuel Groto Sr., 41; at Manuel Groto Jr., 20, kapwa nakatira sa Barangay Marahan I,  bayan ng Alfonso, Cavite. Sa report ng pulisya, ang mag-amang suspek ay sinasabing bumaril at nakapatay sa security guard na si Eliezer Comilang ng Barangay Sabang, Naic, Cavite. Napag-alamang naaktuhan ng biktima ang mga suspek na nagpuputol ng kable ng PLDT sa kahabaan ng Indang –Alfonso Road kaya naganap ang pamamaril. Nabatid na naunang masakote ng pulisya ang kasabwat na si PO3 Oximoso.

Show comments