SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines - – Tatlo-katao ang kinagat ng mga pusang gala matapos umatake sa pagamutan sa Ilocos Norte, ayon sa ulat kahapon. Ito ay matapos na kumpirmahin ang pag-atake ng mga pusa sa Gov. Roque Ablan Sr. Memorial Hospital kung saan dalawang bantay ng mga pasyente ang nilapang kung saan tinurukan naman ng anti-rabbies. Bukod sa dalawang nakagat ng pusa ay isa pang bantay ng pasyente ang naghain ng reklamo matapos siyang atakehin at pagkakalmutin ng mga pusa habang hawak nito ang tray ng pagkain. Inamin naman ng pamunuan ng nasabing ospital na malaking problema nga ang pagdami ng mga pusang gala. Bagama’t may mga nahuhuli sila at ibinibigay sa Provincial Veterinary Office, hindi sapat para mawala ang mga pusang gala sa nasabing ospital. Hindi naman maaaring patayin ang mga pusa dahil labag ito sa batas.