12 anyos binaril, kritikal

MANILA, Philippines - Dahilan sa panghuhuli ng gagamba, nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 12 anyos na batang lalaki makaraan itong pagbabarilin  ng hindi pa nakilalang lalaki sa isang maisan sa Brgy. Daniel Mantos, Mahayag, Zamboanga del Sur nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Inspector Dah­lan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, ang biktima na si Demetrio Trazona Jr., residente ng nasabing lugar.

Ang biktima, nagtamo ng mga tama ng bala mula  sa likurang bahagi ng katawan ay unang isinugod sa Mahayag Community Hospital pero dahilan sa maselan nitong kalagayan ay inilipat sa Ozamis City Emergency Hospital.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente sa isang maisan sa naturang barangay dakong alas-7 ng gabi.

Nabatid na abala sa pang­huhuli ng gagamba ang biktima na gagamitin nito sa ‘spider game’ sa kaniyang mga kalaro kinabukasan kaya sumuot ito sa isang maisan sa lugar.

Gayunman, isang lalaki ang bigla na lamang umanong bumaril sa bata gamit ang hindi pa natukoy na kalibre ng armas sa hinalang isa itong magnanakaw ng mais. Ang kasong ito ay iniimbestigahan na.  

 

Show comments