Pulis bulagta sa holdaper

PO2 Quidit

BULACAN , Philippines   - Napatay ang Isang pulis na rumesponde sa naganap na holdapan sa remittance center  makaraang pagbabarilin ng nag-iisang holdaper kahapon sa Barangay Bagong Nayon, bayan ng Baliwag, Bulacan.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Marcelo General Hospital ang biktimang si PO2 Louie Quidit ng bayan ng San Rafael at nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa nasa­bing bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na abala sa trabaho ang kaherang si Rosemarie Villamor nang biglang pumasok ang nag-iisang lalaki na naka-helmet.

Kaagad na nagdeklara ng holdap at tinutukan ng baril ang  kahera ng LBC Remittance center at kinulimbat ang P2, 846 ng kumpanya saka tumakas lulan ng motorsiklo.

Inalerto naman ng kahera si PO2 Quidit na nasa bisinidad ng nasabing establisi­­m­yento at tangkang hadlangan ang papatakas na holdaper subalit pinagbabaril siya.

Kahit sugatan ay nagawang gumanti ng putok si PO2 Quidit sa papatakas na holdaper patungo sa direksyon ng Apalit, Pampanga.

Pinaghahanap ng mga operatiba ng pulisya ang nag-iisang holdaper na sinasabing nagtamo ng mga tama ng bala habang nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa nasabing remittance center para busisiin ang CCTV camera.

Show comments