Trader tiklo sa arms cache

Iniimbentaryo ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Reynaldo Magdaluyo ng CIDT-Bulacan ang nasamsam na mga baril, granada, bala at magasine sa bahay ng negosyanteng si Onotan Tunday-Barabadan sa Barangay Malhacan, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng umaga. Kuha ni Boy Cruz

BULACAN, Philippines - – Arestado ang 44-anyos na negos­yante makaraang makum­piskahan ng mga armas, bala at granada sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Malhacan, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng umaga.

Pormal na kinasuhan ang suspek na si Onotan Tunday-Barabadan, tubong Marawi City, Lanao Del Sur at nakatira sa Llanilo Street sa nasabing barangay.

Base sa ulat na isinumite kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, sinalakay ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Reynaldo Magdaluyo ng CIDT-Bulacan sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng PNP-Provincial Public Safety Company ang bahay ng suspek makaraang makakuha ng search warrant kay Judge Ramon Pamular ng Guimba Regional Trial Court Branch 32 sa Nueva Ecija.

Kabilang sa nasamsam sa bahay ng suspek ang M-16 Armalite rifle, cal .40 pistol, dalawang grenade, 404 bala ng M-16, dalawang bala ng cal .50 (anti-aircraft), mga magasine ng bala na pawang walang kaukulang dokumento.

Show comments