BATANGAS, Philippines – Dalawang araw matapos malunod at mamatay ang tatlo-katao sa bayan ng Calatagan, isa na namang call-center agent ang sinalubong ni kamatayan matapos malunod sa beach resort ng nasabing bayan kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Ronald Hernandez, 31, ng Muntinlupa City habang ginagamot naman sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital ang dalawang kasama ni Hernandez na sina Xyril Arciaga, 27, call-center agent, ng Makati City; at Angelo Rikko Reyes, 21, ng Sta. Ana, Manila.
Sa police report, lumilitaw na nagkasamang naligo ang mga biktima sa mababaw na bahagi ng dagat nang magkasundong pumunta sa malalim kung saan tinangay sila ng malakas na alon sa Caisip Beach Resort sa Barangay Sta. Ana bandang alas- 5:30 ng umaga. Agad na nalunod si Hernandez habang nasagip naman sina Arciaga at Reyes.
Sa tala ng pulisya, nalunod din ang dalawang college studes na sina Hosea Jizo Pinto, 17, ng La Salle Taft, Therese Maria Cordero ng University of the Philippines, Manila at ang ama nitong si Ronald Cordero matapos tangayin ng malakas na alon sa private resort sa Barangay Bagong Silang, bayan ng Calatagan, Batangas.