9 tiklo sa P.5-M droga

Nasamsam ng mga operatiba ng pulisya ang P.5 milyong halaga ng shabu at marijuana makaraang masakote ang suspek na si Henry Monterde ng Barangay Sambag 1, Cebu City, Cebu sa inilatag na buy-bust operation noong Biyernes ng hapon. Freeman News Service

CEBU, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng siyam-katao kabilang ang itinuturing na drug lord matapos ang  buy-bust operation kung saan nasamsam ng mga operatiba ng pulisya ang P.5 milyong halaga ng droga noong Biyernes ng hapon sa Barangay Inayawan, Cebu City, Cebu.

Pormal na kinasuhan ang sinasabing drug lord na si Henry Monterde ng Barangay Sambag 1, kasama ang iba pang suspek na sina Epe Torrejas, 24, ng Barangay Inayawan; Efren Satore, 36, ng Sibonga, Cebu; Vincent Blarusan, 21; Andrey Insila, 19; Ramil Delbo, Nelson Cantutay, 48;  Felix Tabal, 22; at si  Mike Delicano, 18.

Si Monterde ay isinailalim sa police surveillance sa pamumuno ni P/Supt. Romeo Santander Jr. simula noong Sabado matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa bawal na droga.

Nasamsam sa mga suspek na naglulungga sa may tatlong palapag na bahay na may mga security camera ang 24 bundles ng pinatu­yong dahon ng marijuana, 15,000 marijuana sticks; pakete ng shabu, mga drug paraphernalia, at cal .38 revolver na may apat na bala.

Itinanggi naman ni Monterde ang akusasyon ng pulisya na ginagawa niyang drug den ang nasabing lugar. Freeman News Service

Show comments