Nag-amok na obrero utas sa pulis

CAVITE, Philippines - - Napaslang ang 40-anyos na construction worker na nag-amok makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya kamakalawa ng hapon sa Barangay Molino 3, Bacoor City, Cavite. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Arthur Apostoles ng Progressive 16 sa nabanggit na barangay. Sa ulat ni SP01 Ronaldo Orozco, lango sa alak si Apostoles nang mag-amok na bitbit ang baril kung saan tinututukan ang ilang residente. Nang rumesponde ang pulisya ay hinimok na sumuko. Subalit sa halip na sumuko ay pinutukan ang mga pulis kaya nagsimulang  sumiklab ang putukan hanggang sa bumulagta si Apostoles. Narekober sa nasabing lugar ang cal. 38 revolver na ginamit ni Apostoles at mga bala ng baril. Wala namang malinaw na motibo si Apostoles para magwala maliban sa lango ito sa alak.

Show comments