3 BIFF rebs utas sa bakbakan

MANILA, Philippines - Nasilat ng tropa ng militar ang pag-atake ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kung saan tatlo nitong miyembro ang napatay habang dalawa pa ang na­sugatan sa magkakahiwalay na insidente ng bakbakan sa bayan ng Shariff Saydona, Maguindanao kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesman Col. Dickson Hermoso, nabigo ang BIFF rebs na makubkob ang Army post ng 61th Division Reconnaisance Company sa Barangay Ganta, Shariff Saydona matapos na makipagpalitan ng putok ang mga sundalong nakabantay.

Tumagal ang bakbakan ng ilang oras kung saan sugatan ang isang enlisted personnel ng Phil Army. Napilitan namang gumamit ng mortar ang mga sundalo matapos paulanan sila ng rockets at puntiryahin ng assault rifles ng sumasalakay na BIFF rebs.

Gayon pa man, mabilis na nagsitakas ang mga bandido matapos na  malagasan ng tatlo sa kasagsagan ng putukan.

Samantala, bandang alas-12 naman ng mada­ling araw kahapon nang iharass din ng BIFF ang Moro National Liberation Front community security base sa Barangay Damabalas, bayan ng Datu Piang, Maguindanao sa ilalim ng pamumuno ni Commander Quiapo Dalandas at Leki Angas.

Sa nasabing insidente ay nasugatan ang sibilyang si Bai Saida Lakim na isinugod sa Cotabato City Hospital. 

Kaugnay nito, pinaigting pa ng militar ang seguridad upang masawata ang posib­le pang pag-atake ng BIFF.

 

Show comments