MANILA, Philippines - Dinukot ng tinatayang 15 armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang foreman at kasama nito sa panibagong insidente ng kidnapping sa bayan ng Indanan, Sulu kamakalawa.
Kinilala ang panibagong mga bihag na si Remigio LingaÂyan alyas Jingjong, nasa hustong gulang, foreman at Joselito Gonzales, isang obrero; pawang taga Zamboanga City.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pagdukot sa mga biktima sa bisinidad ng Sitio Baunoh, sa hangganan ng Brgy. Timbangan at Brgy. Kan Islam ng bayang ito dakong alas-8:10 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ng Tamaraw jeepney ang mga biktima galing sa bayan ng Maimbung patungong Jolo nang harangin ng mga armadong kidnapper pagsapit sa lugar.
Agad na tinutukan ng baril ng mga suspek ang mga biktima saka kinomander ang Tamaraw jeepney ng mga ito patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Nagsasagawa na ng followup operations ang mga awtoridad sa kasong ito upang ligtas na mabawi ang mga bihag.