MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang napatay matapos na magbarilan ang grupo ng isang angkan at ang mga kamag-anak ng hepe ng pulisya na napaslang sa naganap na clan war sa Barangay Tamontaka, bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Inspector Datulon Pinguiaman, kinilala ang dalawa sa mga napaslang na sina Omar Guro at Ibrahim Bansuan na kapwa may nakabimbing kasong illegal possession of firearms at robbery.
Ang tatlo ay isinasangkot sa pagpatay sa dating hepe ng Mother Kabuntalan PNP na si P/Inspector Tongan Namla noong Marso 26, 2014.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na sumugod ang tatlo sa bahay ni Namla upang linisin ang kanilang pangalan sa kinakaharap na kaso nang salubungin sila mga putok ng baril ng mga kamag-anak ng opisyal.
Nakipagpalitan naman ng putok ang tatlo laban sa mga kamag-anak ni Namla na ilan ay mga pulis na nakatalaga rin sa Maguindanao.
Narekober sa crime scene ang baril ni Namla na tinangay ng mga ito noong pagbabarilin at mapatay ang nasabing opisyal.