MANILA, Philippines - Dalawampu’t pito-katao ang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway sa bayan ng Pilar, Sorsogon kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasuÂgatan ay sina Harry Zaragosa, 9; Shella May Salsuela, Abby Zaragoza, 49; Daniel Lotinya, 43; Michael Campomines, 24; Albert Lomo, 29; Armie Lomo, 7; Raquel Palania, 31; Kim Rica Lomo, 9; William Muga, 32; Nely Lutero, 45; Noel Melgar Cabag, 39; Elmer Lopez,19; Mark Jay Mallio, 11;
Abbygail Mallio, 14; Vicente Dumasayao, 41; Mark Joseph Burgador, 11; Alberto Burgador at iba pa.
Nabatid na ang batang si Zaragosa ay napinsala ang kaliwa’t kanang mata kung saan naisugod naman sa Bicol Regional Training Hospital sa Legazpi City kasama ang iba pang sugatan.
Sa police report na nakarating kay P/Chief Inspector Rozalito Dulongtap, hepe ng Pilar PNP, naganap ang sakuna sa kahabaan na highway sa Barangay Nasti bandang alas-6 ng umaga.
Ayon kay Dulongtap, patungo sa bayan ng Donsol, Sorsogon mula sa Manila ang Pamar Bus Line (UVC -967) nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver pagsapit sa paibabang bahagi ng matarik na highway.
Dahil dito ay tuluy-tuloy na bumulusok ang bus sa may limang talampakang bangin sa tabi ng highway.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng bus sa ibabang bahagi ng bangin ay nasugatan ang 27 biktima.