3-anyos anak kinatay ng ina

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 3-anyos na nene matapos itong pagpapalakulin ng kanyang ina na sinasabing inabandona ng kanyang ama sa Barangay Benegbengan, bayan ng Sablan, Benguet kamakalawa. 


Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Christian Banganan, hepe ng Sablan PNP, nagtamo ng pitong sugat na malalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nabatid din na pinalakol pa rin ng ina ang kanyang anak habang ito ay duguang nakahandusay sa lupa kung saan ay humiwalay ang ibang bahagi ng katawan nito. 


Nasaksihan naman ng kalaro ng biktima ang kalunus-lunos na sinapit ng batang babae sa kamay ng ina na sinasabing nawala sa katinuan.

Nakiusap naman si P/Senior Insp. Banganan na huwag tukuyin ang pangalan ng 25-anyos na inang suspek upang hindi sumiklab ang alitan sa tribo.


Napag-alamang naging tuliro at laging wala sa sarili ang ina ng bata simula nang iwanan ito ng kanyang asawa sa hindi nabatid na dahilan. 


Pormal namang kinasuhan ng pulisya ang suspek habang iniuwi ang bangkay ng bata sa bayan ng ama nito sa Ifugao.

Show comments