MANILA, Philippines — Naghahanda nang magsampa ng kaso ang mga magulang ng sanggol na sinelyuhan ng adhesive tape sa isang maternity clinic sa probinsya ng Cebu.
Ayon kay Ryan Noval, magsasampa sila ng kasong child abuse laban sa Cebu Puericulture Center and Maternity House dahil sa pagseselyo sa labi ng kanilang sanggol gamit ang adhesive tape.
Sinabi ni Noval at ng kanyang asawang si Jasmine na hindi sila natutuwa sa paulit-ulit na pagtanggi ng mga tauhan ng klinika na siniselyuhan nila ng adhesive tape ang mga sanggol.
Noong Mayo 9, nag-post ang mga Noval ng larawan ng kanilang anak upang ipakita ang selyado nitong mga labi. Matapos itong kumalat sa social media, may ilan pang mga magulang ang nag-post din larawan ng mga sanggol na selyado rin ang mga labi.
Kabilang sa mga may kaparehong kaso ng mga Noval ay ang mga anak nina Chesial Lyka Arsuan at Lucresio Son.
Sinabi ni Noval sa The Freeman na may pang-apat pang sanggol ang nagkaroon ng kaparehong karanasan sa naturang klinika.