CAVITE, Philippines - Walong miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang napaslang matapos makaengkuwentro ang mga operatiba ng pulisya sa Barangay Litlit, bayan ng Silang, Cavite kahapon ng hapon.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Gil Torralba, hepe ng Silang PNP, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may siyam na armadong kalalakihan na lulan ng apat na motorsiklo ang magsasagawa ng robbery/holdup sa nasabing bayan.
Kaagad namang minobilisa ni Torralba ang pangkat ng pulisya kasama ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Team ng Cavite PNP kung saan inilatag ang upang maharang ang mga holdaper.
Ilang oras pa ang nakalipas ay namataan ng mga awtoridad ang apat na motorsiklong walang plaka kung saan nilagpasan ang checkpoint matapos hindi huminto kahit na hinaharang ng pulisya.
Agad namang hinabol ng mga pulis na nauwi sa umaatikabong palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan ay bumulagta ang walong holdaper kung saan iprinoproseso pa ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pagkakakilanlan habang nakatakas naman ang isa pang holdaper.
Idinagdag pa ng opisyal na ang grupo ng mga suspek ang pinaniniwalaang nasa likod ng serye ng robbery/holdup sa bayan ng Silang at karatig bayan sa lalawigan ng Cavite.
Narekober sa encounter site ang tatlong motorsiklo ng mga holdaper, anim na cal. 45 pistol at dalawang cal. 38 revolver.