Ambush: Piskal patay, driver kritikal

MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 64-anyos na piskal habang nasa kritikal namang kondisyon ang kanyang driver makaraang tamba­ngan ng mga armadong kalalakihan sa Marawi City, Lanao del Sur kahapon ng tanghali.

Napuruhan sa ulo ang napatay na si Atty. Zaipal Alawi Sr. assistant City Prosecutor at residente ng Barangay Loksadatu Bangon sa nabanggit na lungsod.

Naisugod naman sa Amai Pakpak Hospital ang driver na si Saiben Baiza, 46, nagtamo ng mga tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan at mukha.

Base sa police report na nakarating kay PRO-ARMM Director P/Chief Supt. Noel de los Reyes, naganap ang pa­nanambang sa kahabaan ng Crossing Sarimanok sa Barangay Marawi bandang alas-11:45 ng tanghali.

Kasalukuyang bumabagtas ang Toyota Corolla GLI (TFY-138) ng mga biktima nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki pagsapit sa nasabing lugar.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ang cal. 45 pistol at cal. 9mm habang patuloy ang pagsisiyasat.

 

 

Show comments