MANILA, Philippines - Bumulagta ang 29-anyos na lalaki habang tatlo naman ang nasa malubhang kalagayan makaraang ratratin ng dalawang armadong kalalakihan ang grupong nag-iinuman ng alak sa Barangay San Isidro, bayan ng Lianga, Surigao del Sur kamakalawa ng gabi. Kinilala ang napatay na si Arniel Tumakay habang isinugod naman sa Lianga District Hospital ang mga sugatang sina Rasonable Dizon, 26; Robert Podot, 24; at si Jerry Pairez, 35, kung saan inilipat sa Adela Serra Ty Memorial Hospital dahil sa maselang kalagayan. Sa ulat ng Surigao del Sur PNP na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pamamaril habang nag-iinuman malapit sa harapan ng tindahan malapit sa barangay gymnasium. Mabilis na nagsitakas patungo sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar.