Negosyanteng Aleman, niratrat

Cavite, Philippines — Isang  negos­yanteng German national ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi nakilalang armadong salarin sa harapan ng tahanan nito sa Bacoor City, Cavite nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Cavite  Provincial Police Office (PPO) Director Senior Supt. Joselito Esquievel  Jr. ang biktima na si Manfred Mueller, 62- anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 8:30 ng gabi nang pagbabarilin ang biktima sa harapan mismo ng kaniyang bahay sa Meadowood Executive Village sa Barangay Panapaan 8.


Ayon naman kay PO3 Michael Legaspi Jr., may hawak ng kaso, bigla na lamang sumulpot ang salarin sa harapan ng tahanan ng biktima.

Armado ng cal. 45 pistol ay bigla na lamang nitong pinagbabaril ang Aleman na duguang bumulagta at ilang saglit pa ay binawian ng buhay sa insidente.

Sinabi ni Legaspi, nag­responde sa pinangyarihan ng krimen, ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng Bacoor City Police at narekober ang pitong basyo ng nasabing armas.

Hindi pa malinaw ang motibo at suspek sa krimen pero masusing imbestigasyon na ang isinasagawa ng pulisya upang agad na malutas ang kaso.

 

Show comments