MANILA, Philippines – Abot sa 50 gramo ng shabu ang nabawi mula sa tatlong pinaghihinalaang miyembro ng isang kilabot na sindikato sa Cotabato City, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Biyernes.
Nakilala ang mga suspek na sina Prince Mohammad Mama, 27 at Dong Mamalinta, 34, kapwa residente ng Mother Barangay Balabaran Tamontaka Esteros, Cotabato City; at Samel Omar, 34, ng Barangay Resa, Datu Blah.
Ang tatlong suspek ay pinaghihinalaang miyembro ng Bua Drug Group na pinamumunuan ng isang Marcos Bua sa Cotabato City.
Naaresto ang tatlo nang magbenta ng shabu sa isang undercover agent ng PDEA noong Abril 23, 5:30 ng umaga sa Mother Barangay Balabaran.
Bukod sa shabu, nabawi rin mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, apat na bala, iba't ibang drug paraphernalia at isang P500 marked money.
Tatlo ring miyembro ng naturang sindikato ang naaresto sa siyudad ngayong taon.